President Benigno S. “PNoy” Aquino III has delivered speech at the New Provincial Capitol Lobby right after unveiling the marker of the newly restored Casa Real de Iloilo or the old Provincial Capital Building on Thursday, June 11, 2015.
PNoy is in Iloilo for two days to inspect the government’s infrastructure projects, lead the 117th Independence Day commemoration in Sta. Barbara and celebrate the vin d’honneur with diplomats at Casa Real.
Credits: Malacañang Photo Bureau |
Here’s the full text of his speech:
Alam ho n’yo, dito sa Iloilo, ang ganda ng airport n’yo. Sa ‘min po sa Tarlac, maganda ‘yung airstrip. [Tawanan] Siyempre sa Iloilo, maraming Ilongga. Sa ‘min ho sa Tarlac, meron kaming longganisang masarap. [Tawanan] Dito ho raw, sabi ni Babes kanina, six billion [pesos] ang infra [infrastructure] ninyo. Isang taon lang ‘yon, Babes? Isang taon lang ha. Kami ho sa Tarlac, mayroong billion. Kayo, six billion. Kaya dapat mag-aral na akong mahalin ang la paz batchoy dahil baka hindi na ho ako makakain ng tocino at hindi na ako pauwiin sa amin sa Tarlac. [Tawanan]
Pero ang sarap nga po talagang bumalik sa probinsiya ninyo, kapiling ang mga kasamahan nating patuloy na tumatahak sa tuwid na daan. Sabi ko nga po kay Governor Art Defensor: Napakaganda na talaga dito sa Iloilo. Kung isasalin po natin sa Ilonggo: Sa kadamo sang mga gwapa diri sa Iloilo. Tama ho ba? [Palakpakan]
Kanina ho sinabi na nagtagpo ‘yung magulang ko, umusbong raw ako. Nakalimutan nilang sabihin ‘yung pinakaimportante pong parte ho. Ako po, baka hindi ninyo alam, favorite son po ako ng mga magulang ko. Huwag nating kakalimutan iyon. [Tawanan] Wala hong kaduda-duda iyon. Maski paano ninyo tingnan, talagang ako po ‘yung favorite son. Apat ho kasing babae ang kapatid ko eh. [Tawanan]
Kanina nga lang po, binisita natin at ininspeksiyon ang ilan sa inyong mga bagong imprastruktura. Dumaan tayo sa mga kalsadang ipinangalan nga po sa aking ama’t ina; at talagang nagpapasalamat po tayo sa pagkilalang ito—sa kamara at sa senado, sa inyong lokal na pamahalaan at sa mga kababayan natin dito po sa Iloilo. Bukas nga po, Araw ng Kalayaan, at gusto ko lang pong idiin: Ang mga Pilipinong ginugunita natin, talagang malaki ang pinasang sakripisyo para sa bayan. Ipinapaalala rin nito sa ating lahat na makiambag, at ibigay ang kaya nating ibigay, nang sa gayon, ay hindi na tayo humiling pa ng mabigat na pasanin sa mga susunod po sa atin.
Kanina po tumungo rin po tayo sa Dungon Bridge IV. Natanong ko tuloy si Babes, “Dungon Bridge number four? Bakit number four?” Dahil one, two, three, four ho yata itong tulay na ito. Ah, one, two, three, four, five! Sa Tarlac ho, naalala ko noon, may isa akong tulay doon na ambisyon hanggang ngayon. Kayo ho, one, two, three, four, five. Ilan ang matatapos this year? Matatapos lahat ngayon! Iyong sa amin ho yata uumpisahan pa lang. [Tawanan] Natatawa si Sec. Alcala. Ilan bang tulay meron sa Quezon, Ka Procy? Sa Dungon Bridge IV, na napipinto nang matapos ngayong buwan, at maghahatid ng mas maaliwalas na biyahe po sa inyo rito. Pagkatapos, ininspeksiyon naman natin ang Muelle Loney Bridge, na target nating makumpleto ngayong Setyembre. Pero kung kilala ko ho si Babes, baka Agosto ho talaga ang sadya niyan. Nanigurado lang siya, baka umulan, tapos ginawa niyang Setyembre. Kung gusto mo namang Hulyo, Babes, okay rin sa amin. Walang magrereklamo kung mapapaagang buksan ‘yan. At oras na mabuksan po sa publiko, magiging alternatibong daan po ito papuntang Iloilo Ferry Terminal, makakaluwag sa traffic sa North Marginal Wharf Road, na sa ngayon ay nagsisilbing tanging daan patungo sa inyong ferry terminal. Gayundin, inilatag sa atin ang mga paparating pang imprastrukturang tiyak na lalo pang magpapaasenso sa mga Ilonggo.
Iyan na nga po ang Daang Matuwid: Tinututukan natin ang pagpapatayo at pagpapaunlad ng mga kalsada, tulay, paliparan, pantalan, at iba pang importanteng imprastruktura. Ang tanong ho siguro ng iba: Ano ba’ng halaga ng mga imprastrukturang ito sa pangkaraniwang Pilipino?
Isipin na lang po ninyo: May estudyante, dati kilo-kilometro ang nilalakad araw-araw makarating lang sa eskuwela; nagpagawa tayo ng kalsada, kaya napabilis at napaginhawa ang kanyang pagpasok—di ho ba maganda ‘yan? May magsasakang umaasa na lang sa pagbagsak ng tubig-ulan para madiligan ang kanyang pananim; isinakatuparan natin ang kailangang sistemang pang-irigasyon, kaya buong taon na siyang nakakapagsaka, at napaparami na ang ani—di ho ba maganda rin ‘yon? Mayroon ding magsasakang tinatawid ang ilang ilog at bundok, maihatid lang ang kanyang produkto sa merkado, kaya ang kanyang paninda, sariwa at galing sa kanyang sakahan, nabubulok na lang at nasasayang, nabubugbog sa biyahe; kaya naman po nagpatayo tayo ng farm-to-market roads, kaya sariwa na ang kanyang benta, napapataas ang kanyang kita. Natutuwa pa ang nagtitinda dahil masaya ang mamimili. Siyempre, maganda rin ho ‘yan, di ho ba? Samakatuwid po, maganda ang naidudulot ng tamang imprastruktura sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan; direkta ang pakinabang nito sa pag-asenso ng ating mga Boss.
Ngayon pa lang po, natatamasa na natin ang positibong bunga ng ating agenda ng reporma. Ang benepisyong tila pagkatagal-tagal ipinagkait ng gobyerno, ngayon, dumarating na sa Pilipino. At tandaan natin: Nagagawa natin ang mga ito nang di nagtataas ng buwis, maliban po doon sa tinatawag na Sin Tax; ang tinutukan natin ay ang masinop na paggamit sa kaban ng bayan.
Sa kabila naman po nito, minsan nalulungkot po tayo, dahil sa pagsulpot ng ilang tutol sa ating mga inisyatiba. Kamakailan, may nabasa po ako sa diyaryo; may nagpoprotesta raw diumano laban sa Jalaur River Multipurpose Project natin dito sa Iloilo. Ipapaalala ko lang po: Inambisyong maitayo ang proyektong ito noong ako raw ho’y napanganak, 1960’s po iyon; nasa 2015 na tayo ngayon, at sa wakas, may pagkakataon nang tuluyan itong maumpisahan at matapos. Kaya lang po napag-isip po ako: Dekada sisenta pa pinaplano ang proyektong pang-irigasyong ito. Makalipas ang tinatayang 55 taon, biglang may nagdesisyong sitahin ito at magreklamo. Sana nga ho iyong lima’t kalahating dekadang paghihintay ng mga makikinabang sa proyektong ito, mula sa mga magsasaka, sa mangingisda, at iba pa nating kababayan, nagamit na ang panahong ito para umasenso at hindi pinaghintay nang lampas dalawang henerasyon. Siguro ang punto, kung may tama kang pagtutol, sana naisip mo naman ito 55 years ago. Bakit naman kamakailan mo lang yata naisip?
Alam po ninyo, sa isang banda, naiintindihan kong nasa isang demokrasya tayo, at malaya ang sinumang maghayag sa kanilang saloobin. Ang hindi ko po maunawaan nga, ay ang mga taong wala nang ibang ginawa kundi maghanap nang maghanap ng negatibo, sa anumang nagagawa nating positibo. May nagsabi nga ho: Sa alinmang lipunan sa mundo, may tinatawag na “contrarian.” Sila po ‘yung mga taong kahit ano’ng imungkahi mo, kontra dito, kontra diyan, kontra doon. ‘Pag sinabi kong puti, sasabihin nila: “Hindi, itim.” ‘Pag sinabi ko, “Ah oo nga, itim,” ang sasabihin nila, “Ay hindi, puti pala.” Anumang sabihin natin, kailangan kontra. Doon po sila lumiligaya. Wala na po siguro tayong masasabi sa kanila kundi, sabi nga ninyo dito: “Ay, ambot!”
Mabuti po sana kung ako lang ang tinatamaan ng pambabatikos nila. Ang masakit po, minsan, nadadamay pati mga proyekto’t programa natin para sa kapakinabangan ng ating mga Boss. Natutuwa kaya sila sa paghahanap ng pinakamaliliit na butas, habang napapabagal, kung hindi nahihinto, ang benepisyong dapat sana’y natatanggap na ng taumbayan? Kayo po, sa palagay ba ninyo, dapat pang pakinggan ang mga ito? O tingin n’yo po ba, manatili na lang tayong nakatutok sa pagpapanig sa tama at nakakabuti sa mas nakakarami? Sana nga ho, imbes na puro reklamo, ay tulungan na lang nila tayong maghanap ng dagdag pang mga solusyon. Handa naman tayong makinig; pero sila itong wala namang ibinibigay na kahit anong suhestiyon. Ang sabi ko na nga lang ho, Independence Day naman bukas, sana, magpalaya na rin sila sa kaisipan nilang de-kahon.
Noong 2010 po, nangako ako sa inyo bago ako bumaba sa puwesto, malaki na ang magiging pagbabago sa Pilipinas. Palagay ko naman ho, marami na tayong pruweba upang patunayan ito; at talagang ‘yung mga nagtatakip na lang ng mata at tenga ang hindi nakakakita’t nakakarinig sa pagbabagong ating tinatamasa.
Alam naman po ninyo ang ating pinagmulan: Wala akong kabalak-balak na tumakbo bilang Pangulo ng bansa. Ang totoo, noong mga panahong iyon, akala ko po, mabibigyan ako ng pagkakataong masanay na maging ulilang lubos. Pero alam naman po ninyo, wala pang 40 days mula nang yumao ang aking ina, kinailangan ko na pong magdesisyon. Kaya nga ho, habang ang ibang kandidato, marahil, buong buhay na sigurong naghahanda; tayo, ilang buwan lang ang natira para mag-organisa, at lumikom ng pondo at ihanda ang kampanya.
Subalit nangyari na nga po ang dapat mangyari: pumili kayo, at binigyan ninyo ako ng napakalaking mandato. Ito ang dahilan kung bakit parati kong sinasabing lahat ng tinatamasa natin ngayon, kayo ang gumawa; sa inyo nagsimula, at sa inyo nanggagaling ang pagbabago. Kamakailan, tinanong naman sa akin sa ibang bansa: Paano na ang Pilipinas pagkatapos ng inyong termino? Sino ang magtutuloy ng magagandang nasimulan ninyo? Ang sagot ko po: Walang ibang magtutuloy ng positibong pagbabagong ito, kundi ang mga Pilipino rin mismo. Kayo ang sisigurong nasa panig pa rin tayo ng tama at makatwiran; kayo ang titiyak na hinding-hindi na tayo lilihis pa, at patuloy pang aarangkada ang bilang nating nagkakaisang bansa; tayo pa ring mga Pilipino ang susulat sa magiging tadhana ng bansang Pilipinas. Mga pinalangga kong Ilonggo: Upod kita nga ipanubli sa mga masunod nga henerasyon ang pag-uswag sang atong pungsod nga madugay na naton ginahandum.
Madamu gid nga salamat. [via Source]